Pagbili ng dengvaxia vaccines dumaan sa tamang proseso — DBM

0
46

Nanindigan ang Department of Budget and Management (DBM) na dumaan sa tamang proseso ang pagbili ng dengvaxia nuong Aquino administration.

Sa kaniyang pagharap sa pagdinig ng House committee on good government and public accountability, sinabi ni Budget Assistant Director Jane Abella na sakop nang ipinatupad na expanded immunization program (EIP) ng Department of Health (DOH) ang pagbili ng dengvaxia vaccines.

Sa katunayan, ipinabatid ni Abella na ang pondo para sa pagbili ng dengvaxia ay nanggaling mula sa savings sa Miscellaneous Personal Benefits Fund (MPBF).

Binigyang diin ni Atty. Trisha Baraan ng DBM na pinapayagan ng batas ang paggamit ng chief executive ng savings para pondohan ang priority projects sa ilalim ng Executive Department.

Subalit iginiit ni Congressman Winston Castelo na maituturing na unconstitutional ang programang ito dahil ang paggamit aniya ng savings ay bahagi ng development acceleration program bukod pa sa hindi dumaan sa Kongreso ang naturang programa.

Sinabi naman ni Congressman Romeo Acop na hindi kabilang ang dengvaxia anti-dengue vaccination program sa inihayag ng DBM na EPI.

Ito aniya ay dahil bago mapabilang ang isang gamot o vaccine sa EPI kailangan muna nitong dumaan sa proseso kabilang na ang application sa drug formulary.