Pagbabawal sa mga bus na dumaan sa Skyway pinag-aaralan ng SOMCO

0
47

Pinag-aaralan ng Skyway Operations and Maintenance Corporation (SOMCO) ang pagbabawal sa mga bus na dumaan sa Skyway dahil sa dumadaming bilang ng mga nangyayaring aksidente dito.

Ayon sa SOMCO, nakipag-ugnayan na sila sa Toll Regulatory Board (TRB) kaugnay ng panukalang ipagbawal ang mga bus sa Skyway.

Naging batayan anila dito ang datos ng TRB hinggil sa pagtaas ng mga naitalang aksidente sa walong expressways sa bansa ngayong taon, kung saan lumabas na pinakamarami rito ang nangyari sa Skyway.

Dagdag ng SOMCO, ang mga nagyaring aksidente sa Skyway ay bunsod na rin ng mga walang displinang bus drivers na bumabalewala sa itinakdang speed limit at pag-oovertake.

Samantala, sinabi naman ni TRB Alberto Suansing na kanilang munang pag-aaralan ang panukala ng SOMCO at magsasagawa rin sila ng konsultasyon sa mga provincial bus operators.

Batay sa datos ng TRB, aabot na sa 3,500 ang nangyaring aksidente sa Skyway simula noong Enero hanggang Setyembre ng kasalukuyang taon.

Habang 15 ang nasawi at nasa 700 ang sugatan sa mga naitalang aksidente sa Skyway simula 2016 hanggang Setyembre ng taong kasalukuyan.