Pag-amyenda sa ‘Party-list System Act’ isinusulong sa Kongreso

0
44

Isinusulong ng Makabayan Bloc sa Kongreso ang pag-amyenda sa Party-list System Act para matiyak na nakalaan lamang ito sa mga tinatawag na marginalized at underrepresented na sektor ng lipunan.

Kasunod na rin ito ng ulat mula sa grupong Kontra Daya kung saan lumabas na ginagamit lamang ng mga mayayaman at mga may kapangyarihan ang party-list group at hindi na nito kinakatawan ang mga marginalized at underrepresented sector.

Batay sa inihaing House Bill 8524 ng Makabayan Bloc, kanilang iginiit na dapat ipagbawal ang pagsalang ng mga miyembro ng political dynasties o mga kapamilya ng mga nakaupong opisyal bilang nominado ng mga party-list group.

Kabilang sa pagbabawalan ang hanggang 3rd civil degree na kaanak ng mga nakaupong vice mayor pataas hanggang pangulo.

Nakasaad din sa panukala ang pagdidiskuwalipika sa mga dating umupong opisyal ng pamahalaan mula presidente pababa hanggang vice mayor na gawing nominado ng mga party-list group.

Gayundin ang pagbabawal sa mga naging pinuno ng mga kawanihan hanggang gabinete sa loob ng limang taon mula sa huling eleksyon.