P420-M na ayuda para sa mga magsasaka tiniyak ng PCIC

0
56

Aabot sa P420 million ayuda ang nakahandang ipamahagi ng Philippine Crop Insurance Corporation o PCIC para sa mga magsasakang maaapektuhan ng tagtuyot bunsod ng El Niño phenomenon.

Ayon kay PCIC President Jovy Bernabe, ibinatay nila nasabing pondo sa mga isinumiteng notices of loss o abiso hinggil sa mga nasisirang pananim ng mga magsasaka simula noong Marso 15.

Aniya, sisimulan na nila ang pamimigay ang nasabing pondo sa mahigit 36,000 mga magsasaka simula sa susunod na dalawang linggo.

Dagdag ni Bernabe, kanilang inaasahan na dadami pa ang bilang mga magsasakang bibigyan ng ayuda lalo’t nadadagdagan din aniya ang mga nagsusumite ng notices of loss.

Sa naunang pagtaya ng Department of Agriculture, kanilang inaasahan na magtatagal pa ang nararanasang tagtuyot hanggang sa panahon ng tag-init at posibleng magresulta sa limang porsyentong pagbaba sa produksyon ng bigas sa bansa.