MWC minamadali na ang lahat ng hakbang para maisaayos ang serbisyo sa Metro Manila — MWSS

0
60

Minamadali na ng Manila Water Corporation ang lahat ng hakbang para mabilis na maibalik sa ayos ang kanilang serbisyo sa ilang bahagi ng Metro Manila.

Ito ang tiniyak ni MWSS o Metropolitan Waterworks and Sewerage System Administrator Reynaldo Velasco para sa agarang  pag-resolba sa problema sa suplay ng tubig ng Manila Water alinsunod na rin sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Velasco, nakipag-ugnayan na sila sa iba pang concessionaires tulad ng Maynilad at Bulacan Water upang mapunan nasa dalawang daang milyong litrong kakulangan sa suplay ng tubig ng Manila Water.

Dagdag ni Velasco, unti-unti na ring nabibigyan ng suplay ang ilang lugar na matinding naapektuhan ng kawalan ng tubig.

“Unti-onti na natin naibabalik yung ibang mga lugar. Mayroon pa rin tayong ibang problema so ito yung tinututukan at minomonitor natin ang Manila Water. Lahat naman ng pangangailangan doon sa 200mld na kakulangan nila naayos naman natin, na-icoordinate na na natin lalo na sa Maynilad at Bulacan water ay minamadali na rin nila para sa ganun maibalik yung maayos na serbisyo.” Pahayag ni Velasco.

Isinisi naman ni Velasco ang pagkaubos ng suplay ng tubig ng Manila Water sa kabiguan nitong matapos sa itinakdang panahon ang itinatayo nitong Cardona Water Plant.

“Nag-umpisa kasi ito nung hindi natapos yung Cardona Plant nila na dapat natapos ‘yan December pa. ito actually ang nag-trigger ng problema nila kasi sa halip na mag-deliver ng 100 million liters per day na gamit yung reserve nila sa La Mesa dam.” Ani Velasco.

interview from Todong Nationwide Talakayan

 

Ilang lugar sa Metro Manila nabigyan na ng tubig

Balik na ang serbisyo ng Manila Water sa ilang lugar sa Pasig, Mandaluyong at Quezon City.

Kasunod ito ng halos isang linggong water interruptions o walang suplay ng tubig sa mga nabanggit na lugar.

Sa twitter post ng manila water, kanilang inanunsyo na nagkaroon na muli ng suplay ng tubig sa mga barangay ng Bagong Ilog, Kapitolyo at Ugong sa Pasig at barangka itaas sa Mandaluyong.

Balik na rin ang suplay ng tubig sa ilang mga pangunahing ospital sa Quezon City tulad ng Phil. Blood Center, Lung Center of the Philippines, St. Luke’s Medical Center, East Ave. Medical Center, Philippine Heart Center, Philippine Children’ Hospital, Veterans Memorial Medical Center, Quirino Memorial Medical Center at National Kidney Transplant Institute.

Samantala, tiniyak naman ng Manila Water na ginagawa nila ang lahat para maibalik sa normal ang kanilang suplay ng tubig bagama’t kakailanganin pa rin nila ng oras para maabot ang kanilang mga siniserbisyuhan sa matataas na lugar.