Operasyon ng POGO sa bansa posibleng isailalim sa ‘total shutdown’ —Salceda

0
14

Posibleng tuluyan nang ipasara ang operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa bansa.

Ito ang ibinabala ni House Committee on Ways and Means Chairman Joey Salceda matapos mabatid na maraming POGO hubs sa bansa ang hindi nagbabayad ng buwis.

Ayon kay Salceda, hindi naman pu-pwede na nagnenegosyo ang mga ito sa bansa na hindi naman nagbabayad ng tamang buwis.

Sa ilalim ng House Bill 5267 o POGO Tax Bill, layon nitong patawan ng limang porsyentong franchise tax ang POGO kung saan tinatayang aabot sa P20-billion ang kikitain ng pamahalaan sa loob ng isang taon.

Target din naman ng panukalang ito na singilin ng withholding tax ang mga empleyado ng POGO, kung saan inaasahan namang makalilikom ang pamahlaan ng P24-billion sa isang taon.

Batay sa datos ng Bureau of Internal Revenue (BIR), lumalabas na mula noong 2018 hanggang Setyembre ng taong kasalukuyan ay nasa P1.8-billion lamang ang nakolekta mula sa mga POGO.