‘OA lang’ – Mga senador sa pagpalag ng PNP sa ‘Ang Probinsyano’

0
55

Umani ng kaliwa’t kanang reaksyon mula sa mga senador ang pagpalag ng liderato ng pambansang pulisya hinggil sa pagsasalarawan ng teleseryeng “Ang Probinsyano” sa kanilang hanay.

Ito ay makaraang umalma si PNP Chief Dir/Gen. Oscar Albayalde sa pagganap ni Soliman Cruz bilang PNP chief sa naturang teleserye na kabalintunaan aniya sa tunay na ipinapakitang imahe ng PNP sa publiko.

Ayon kay Senadora Grace Poe, hindi dapat maging balat sibuyas ang PNP sa usapin dahil posible aniya itong sumasalamin sa tunay na pangyayari sa PNP at kailangang tanggapin ito bilang hamon sa kanilang hanay.

Paano natin hinuhusgahan ang PNP, hindi naman sa mga pinapanood natin kun’di sa mga nakikita natin sa tunay na buhay. Papa’no ba sila makitungo sa mga kababayan natin? Kung may nakita naman tayong pulis na talagang tumutulong, hindi ba pinupuri din naman natin? At marami naman silang gano’n. Pero hindi naman natin maiiwasan ‘di ba may mga mangilan-ngilan nga na talagang masasamang loob d’yan sa mismong PNP kaya nga mismong si General Albayalde, mismong si Senator Ping gusto rin  nila ng reform sa PNP.

Para kay Senate President Tito Sotto, maaari naman aniyang pinalampas na lamang iyon ng PNP at hindi na dapat pinalaki pa ang isyu.

Sinasabi ko lang, debatable, ano. Ngayon kung tatanungin mo ‘ynug aking sariling pananaw, ‘yung opinyon ko, dapat ‘di nalang nila pinansin ‘yon. Puwede sigurong nagpasabi nalang sila para ‘di na lumaki. Nagpasabi nalang sila na parang ‘di masyadong maganda ‘yun, ah, nababastos image namin, ah, baka puwede n’yong i-tone down. Puwedeng gano’n nalang.

Sa panig naman ni Senador Francis Escudero, marami pang dapat tutukan at ayusin ng pulisya na mahalaga kaysa sa punahin ang isang teleseryeng bunga lang ng kathang isip.

Itong nagdaang araw lamang, kapwa pulis pinatay ang kapwa n’ya pulis sa loob mismo ng kampo. Iyan siguro ang dapat na iniiwasan para hindi masira o sumama ang imahe ng PNP at hayaan na lamang ‘yang kalayaan sa pamamahayag at freedom of expression ika nga ng sinumang artista o aktor kaugnay sa gusto nilang ipalabas na kathang isip para sa ating mga kababayan.