Mga senador, hati sa usapin ng martial law extension sa Mindanao

0
48

Pagpapaliwanagin ng senado ang security cluster ng administrasyon hinggil sa panukalang palawigin pa ang umiiral na martial law sa Mindanao.

Iyan ay matapos ihayag ni Armed Forces of the Phiilippines (AFP) Chief of Staff Gen. Carlito Galvez na may pangangailangan pa ring palawigin ang batas militar dahil sa marami pa rin ang mga banta sa Mindanao tulad ng Abu Sayaf at iba pang mga bandido.

Sa panayam ng DWIZ kay Senate President Vicente Tito Sotto III, kailangang ilatag ng Defense Department, AFP at Philippine National Police (PNP) ang sitwasyon sa Mindanao lalo’t palapit na ang isasagawang plebesito hinggil sa Bangsamoro Organic Law at 2019 mid-term elections.

Kumbinsihin niyo kami, ‘di ba? Bakit? Ano’ng mga dahilan? Ano’ng mga detalye nito? Ano’ng mga pangangailangang gawin? Ngayon kung sinasabing may mga games, ano ‘yung mga games? Madali naman kaming kausap, e. Diba? Sabihin nila sa amin kung bakit. Kailangan magkaroon ng briefing yan bago kami sumang-ayon. Ngayon, ang clincher d’yan ‘yung House of Representatives kasi beynte tres (23) lang ang boto namin, e. Kung walang mahahalagang dahilan, puwedeng hindi mabigay ‘yan. Pero kung magaganda ang makikitang eksplenasyon at saka talagang tunay na kailangan ay papaya ang kongreso malamang.

Suportado naman ito ni Senador JV Ejercito, dahil sa may mga naitulong naman ito sa estado ng buhay ng mga taga-Mindanao.

Madalas ako sa Mindanao, ang mga tao don ay kuntento sa martial law, dahil dati na ang mga private armed groups, ‘yung mga loose firearms, kahit papaano hindi makakilos ngayon ang mga private armed groups or private armies tyaka ‘yung mga loose firearms ay medyo nababawasan.

Pero sa panig ni Senador Antonio Trillanes IV, mali ang palawigin pa ang martial law sa Mindanao dahil patuloy aniya nitong pahihirapan ang ekonomiya sa rehiyon.

Alam mo naman din sa kongreso maraming mga de-susing tao du’n, e. So, ‘pag sinusian lang ‘yon, gumalaw, gagalaw ‘yon. Pero sa akin, maliwanag kung paano ka makaka-engganyo ng investments sa Mindanao na ito ang magdadagdag sa kabuhayan nila kung mayro’ng martial law. Alam n’yo, sa negosyante, hindi ka talaga papasok sa isang lugar na walang demokrasya, walang rule of law, papa’no ‘yon? Walang certainty na mapo-proteksyonan ‘yung investment mo.


 

Umiiral na anti-terrorism law

Sinagot naman ni Senador Francis Escudero ang pahayag ni AFP Chief of Staff Gen. Carlito Galvez Jr. na mahina ang anti-terrorism law ng bansa.

 

Ito, ayon kay Galvez, ang dahilan kaya’t kailangan pa ring palawigin ang umiiral na martial law sa batas militar sa Mindanao.

 

Sa panayam ng DWIZ kay Escudero, sinabi nito na hindi batayan o sukatan kung may pangil o wala ang anti- terrorism law sa bansa para patagalin pa ang pag-iral ng martial law.

 

Pero bukas naman ang senador na pakinggan ang mga stakeholders lalo na ang mga sibilyan kung tatanggapin pa rin nila o hindi na ang nasabing panukala.

Para sa akin hindi siguro sapat na dahilan yung kahinaan ng anti-terrorism natin na mga batas dahil ang pagkakaiba lamang naman ng batas natin sa batas ng ibang bansa sa anti-terrorism ay hindi naman din matatagpuan sa martial law. Ang pagkakaiba ay ito, puwede tayong magdisena ng sinumang suspected teroristang higit pa sa tinatalaga ng revised penal code sa ngayon sa ilalim ng matial law man o sa ilalim ng kasalukuyang batas natin sa terorismo. Hindi pa rin natin puwedeng gawin ‘yun, e. So, hindi ko nakikita ‘yung basehan n’ya sa pagkumpara ng kahinaan ng batas ng terorismo sa pagkakaroon ng martial law.