Suspendido na ang nasa 89 na mga kapitan ng barangay matapos masangkot sa anomalya sa distribusyon sa unang tranche ng social amelioration program (SAP).
Ayon sa Department of Interior and Local Government (DILG), anim na buwang suspensyon ang ipinataw sa mga nabanggit na kapitan ng barangay, kung saan sinampahan na rin ang mga ito ng reklamo sa Ombudsman.
Sinabi ni DILG Sec. Eduardo Año, inatasan na rin ang mga alkalde na nakasasakop sa mga nasabing barangay officials na agad na ipatupad ang suspensyon ng mga ito sa oras na matanggap ang suspension order mula sa Ombudsman.
Kaugnay nito, umaasa naman si Año na magsisilbi itong babala sa lahat ng mga opisyal ng gobyerno na walang puwang ang katiwalian sa bansa, lalo na sa gitna ng pandemya.