EO para resolbahin ang water crisis ikinakasa

0
52

Inihahanda na ng Malakanyang ang isang EO o executive order na tutugon sa problema sa suplay ng tubig sa bansa.

Ayon kay Cabinet Secretary Karlo Nograles, oras na maisapinal ang nasabing EO, agad itong isusumite kay Pangulong Rodrigo Duterte para kanyang mapag-aralan at aprubahan.

Sinabi ni Nograles, ang nasabing hakbang ay napag-usapan sa pinakahuling cabinet assistant system meeting na isinagawa sa leyte noong Biyernes.

Aniya, iba’t-ibang ahensiya ng pamahalaan ang nakabuo na ng kasunduan para maresolba ang nararanasang problema sa suplay ng tubig sa Metro Manila at maiwasang mangyari pa ito sa iba pang bahagi ng bansa.

Kabilang aniya sa kanilang rekomendasyon ang muling pagtatatag sa NWRB o National Water Resources Board bilang institusyon na magiging responsable sa pagbuo ng polisiya, direksyon at mga hakbang na may kinalaman sa suplay ng tubig.

Dagdag ni Nograles, nakapaloob din sa nasabing EO ang pagsasailalim sa NWRB sa kanyang tanggapan mula sa kasalukuyang pamamahala ng Department of Environment and Natural Resources.