Muling pagbuhay sa death penalty suportado ng PNP

0
43

Mariing tinutulan ng isang women’s rights group ang muling pagbuhay sa panukalang ibalik ang parusang bitay sa bansa.

Ito’y sa harap na rin ng karumal-dumal na pagpatay sa isang diesi sais anyos na dalagita sa Lapu-Lapu City sa Cebu na tinadtad ng saksak, binalatan ang mukha at tinanggalan pa ng lamang loob.

Ayon sa grupong Gabriela, hindi sagot ang bitay para masolusyunan ang problema ng bansa sa krimen at sa halip ay lalo lamang nitong palalalain ang sitwasyon.

Naniniwala rin ang grupo na hindi nito matutulungan ang pamilya ng mga biktima na makamit ang hustisya lalo pa’t malaki ang dapat isaayos sa sistema ng katarungan sa bansa na mas dapat munang ayusin ng pamahalaan.

Pero sa panig ng pambansang pulisya, muling iginiit ni PNP Spokesman P/Col. Bernard Banac na suportado nila ang anumang hakbang na magtataguyod sa karapatan ng mga biktima at susupil sa krimen.

“Noon pa man ay nakasuporta na ang PNP sa mga panukala na lalo pa makakapag-bigay at magpapalakas sa ating peace and order campaign. So anumang maipasang batas kung ito man ay death penalty para sa mga heinous crimes ay nakahanda po sumoporta ang PNP sa mga bagay na ito.” Pahayag ni Banac.

interview from Todong Nationwide Talakayan