Military takeover sa BOC pinanindigan ni Pangulong Duterte

0
49

Isang hakbang patungo sa militarisasyon ng gobyerno ang military takeover sa Bureau of Customs (BOC).

Ito ang inamin ni Pangulong Rodrigo Duterte sa distribusyon ng certificates of land ownership award sa Cagayan De Oro City.

Gayunman, nanindigan ang pangulo na ligal at naaayon sa saligang batas ang naturang hakbang upang tuluyang masugpo ang katiwalian maging ang iligal na droga.

Ayon sa punong ehekutibo, karamihan sa mga miyembro ng kanyang gabinete ay dating sundalo at isa sa mga rason ng kanilang appointment ay ang mas mabilis na pagsundo ng mga ito sa mga kautusan.

Halimbawa na lamang anya nito ay ang pagpapasara sa isla ng Boracay kung saan kapwa dating opisyal ng militar ang kanyang itinalaga na manguna sa anim na buwang rehabilitasyon na tinapos naman sa itinakdang panahon.

Ipinunto ni Pangulong Duterte na kung hindi mga dating sundalo ang kanyang itinalaga sa gabinete ay hindi rin magiging mabilis ang implementasyon ng mga proyekto ng gobyerno.