Mga water concessionaires dapat mag-padala ng trak ng tubig sa lugar na may COVID-19 cases —Hontiveros

0
50

Umapela si Senator Risa Hontiveros sa mga water concessionaires na mag-padala ng mga trak ng tubig sa mga lugar na may naitalang kaso ng coronavirus disease COVID-19.

Ayon kay Hontiveros, posible kasing tumindi pa ang kaso ng COVID-19 kung makararanas ng kakulangan o kawalan ng suplay sa tubig ang mga lugar na may positibong kaso ng COVID-19.

Sinabi pa nito, dapat ding magpadala ang manila water at Maynilad ng water trucks sa mga lugar na nakararanas ng ilang oras na water service interruptions.

Aniya, hindi na dapat kasing ma-puyat pa ang publiko na hintayin ang oras kung kailan babalik ang suplay ng tubig lalo na’t ngayong mas kailangan ang malakas na resistensiya at pangangatawan upang maging ligtas sa virus.

Giit pa ng Senadora, pinaka-mabisa pa rin kasing panlaban sa virus ang tama at palagiang pag-huhugas ng kamay kaya’t dapat lamang matiyak na may sapat na suplay ng tubig ang mga lugar sa bansa.

Samantala, umapela rin naman si Hontiveros sa National Water Resources Board (NWRB) na dagdagan na ang alokasyon ng tubig na ibinibigay sa mga water concessionaires lalo na’t papalapit na ang panahon ng tag-init.