Mga umano’y ‘mafia’ sa PhilHealth pinangalanan sa senate hearing

0
11

Tahasang pinangalanan ni PhilHealth Board Member Alejandro Cabanding sa pagdinig ng senado kahapon ang apat na umano’y bumubuo sa mafia o sindikato sa loob ng ahensya, na pawang mga miyembro ng PhilHealth executive committee.

Ayon kay Cabanding, ang mafia ay binubuo nina Atty. Rodolfo Del Rosario – senior vice president for legal sector; Dennis Mas – senior vice president for management services sector; Renato Limsiaco Jr. – senior vice president for fund management sector; at Jonathan Mangaoang – corporate secretary ng PhilHealth.

Samantala, mariin namang pinabulaanan ni Del Rosario ang naging akusasyon ni Cabanding dahil sa katunayan aniya ay sila pa ang nangunguna sa pagsugpo ng korapsyon sa loob ng ahensya.

Pinagbantaan rin ni Del Rosario si Cabanding na magkakasa ito ng legal na hakbang oras na hindi nito mapatunayan ang kanyang mga paratang.

Dagdag pa ni Del Rosario na isisiwalat nito ang mga kalokohan ni Cabanding sa isang executive session.