Mga rebeldeng komunista itinuro ni Duterte na nasa likod ng ‘Sagay 9’ massacre

0
45

Itinuro ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga rebeldeng komunista na nasa likod ng Sagay City massacre sa Negros Occidental noong Oktubre 20.

Ito ang inihayag ni Pangulong Duterte matapos ang akusasyon ng Communist Party of the Philippines (CPP) na pinatay ang siyam na sakada o sugar farmer ng mga sundalong inupahan ng mga mayayamang landlord sa Negros.

Sa kanyang talumpati sa distribusyon ng certificates of land ownership award sa agrarian reform beneficiaries sa Cagayan De Oro City, nilinaw ni Pangulong Duterte na noon pa istilo ng New People’s Army (NPA) na patayin ang kanilang mga kapwa rebelde.

Gayunman, isinisisi aniya sa gobyerno ang pagpatay sa siyam na biktima na pawang miyembro ng National Federation of Sugar Workers (NFSW).

Nirecruit ng NFSW ang mga biktima sa pangakong babahagian sila ng kapirasong lupa mula sa Hacienda Nene sa Barangay Bulanon kung magtatagumpay na okupahin ang lupa sa ilalim ng sinasabing oplan bungkalan.