Nagpakalat na ng nasa 400 mga pulis ang Manila Police Distict (MPD) sa paligid ng University of Santo Tomas (UST) simula ngayong araw.
Ito ay bilang paghahanda sa isasagawang bar examinations sa UST sa loob ng apat na linggo ng Nobyembre simula bukas.
Ayon kay MPD Director for Operations and Chief of Directorial Staff Senior Supt. Danilo Macerin, ide-deploy ang mga pulis partikular sa bahagi ng Dapitan, P. Noval, A.H. Lacson at España Boulevard.
Kasabay nito, ipinatutupad na rin ngayong araw ang liquor ban sa mga lugar malapit sa UST habang isasara naman sa mga motorista bukas ang bahagi ng P. Noval at Dapitan.
Dagdag ni Macerin, nakatalagang magbigay ng seguridad ang mga pulis sa labas habang ang mga miyembro naman ng National Bureau of Investigation (NBI) sa loob ng unibersidad.
Batay sa tala ng Office of the Bar Confidant, aabot sa 8,700 ang mga magsisikuha ng pagsusulit para sa abogasya ngayong taon.
—-