Mga hospital na maaring makapagsagawa ng COVID-19 test nadagdagan

0
40

Nadagdagan pa ang mga ospital na maaring makapagsagawa ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) test.

Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, maari nang magsagawa ng pagsusuri ang Lung Center of the Philippines, St Lukes Medical Center Quezon City at Global City simula ngayong araw.

Una rito, limang sub national laboratories ang sinertipikahan ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) kung saan maari na silang magsagawa ng pagsusuri at makapaglabas ng resulta nang hindi na pinadadaan pa sa RITM.

Ayon kay Vergeire, nasa 200 samples lamang ang maaring iproseso ng mga nabanggit na laboratoryo kada araw habang nasa 900 hanggang 1,000 samples naman ang maaring iproseso ng RITM kada araw.

Kaugnay nito, ibinahagi naman ni Vergeire na aabot pa sa 40 pribado at pampublikong ospital ang nagpaabot ng interes sa DOH upang makapagsagawa rin sila ng sariling pagsusuri at makatanggap ng sertipikasyon mula sa RITM.

Dahil dito, tiniyak naman ni Vergeire na nakatakda naman itong i-assess ng DOH upang mas dumami pa ang mga ospital na makapagsagawa ng testing sa harap ng patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa.