Mga health workers sa bansa dapat bigyang proteksyon ng pamahalaan —Filipino Nurses United

0
23

Nanawagan ang grupong Filipino Nurses United sa pamahalaan para sa sapat na protective equipment para sa mga health workers na frontliners sa pag-laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ayon kay Jocelyn Andamo, secretary general ng Filipino Nurses United, nabatid ng kanilang grupo na kulang ang suplay ng protective equipment partikular na sa mga pampublikong ospital.

Inilahad ni Andamo na kanilang natuklasan na sa isang infectious ospital sa bansa, dalawang n-95 masks lamang ang naibibigay sa bawat nurse na nangangahulugang napapalitan lamang ang masks na ginagamit ng bawat health worker tuwing ikalawang linggo.

Aniya, dapat na isa-alang-alang ng pamahalaan na ang mga health workers ang nakaharap sa mga pasyenteng nag positibo na sa virus kaya’t marapat lamang matiyak na ligtas sila sa panganib nito.

Dagdag pa nito, wala pa mang COVID-19 ay kulang na kulang na ang nurse sa bansa kaya’t dapat aniyang mabatid ng pamahalaan na nag-do-doble kayod ngayon ang mga ito dahil na rin sa dagsa ng mga pasyente sa iba’t-ibang mga ospital.