Online sellers na namamantala sa banta ng COVID-19 pananagutin ng DTI

0
29

Tutugisin ng Department of Trade and Industry (DTI) ang mga online sellers na nananamantala sa presyo ng mga disinfectants at iba pang medical supplies sa bansa.

Ito ay sa gitna ng panic buying at pagkakaubusan ng ilang suplay dahil sa banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Pilipinas.

Ayon kay Trade and Industry Secretary Ramon Lopez, bawal ibenta online ang anumang uri ng medical suppies.

Aniya, inatasan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang National Bureau of Investigation (NBI), at Philippine National Police (PNP) na tulungan ang DTI sa pagtugis sa mga online sellers, at maging sa mga negosyanteng mapatutunayang ibinibenta ang mga pangunahing suplay sa mas malaking halaga.

Kaugnay nito, humirit din ang DTI kay Pangulong Duterte ng ‘extra powers’ upang mas matutukan nila ang mga establisyemento para maiwasan na rin ang over pricing at anumang uri ng pananamantala ng mga negosyante.

Sa ngayon, naglabas na din ng price list ang DTI para sa alcohol at face masks dahil pa rin sa umiiral na price freeze.