Mga dayuhang nais makapasok sa bansa hindi na pahihintulutan — DFA

0
16

Hindi na papasukin pa sa bansa ang lahat ng dayuhang magnanais na makapasok sa teritoryo ng Pilipinas.

Ito mismo ang ini anunsiyo ni Foreign Affairs Sec. Teodoro Locsin Jr. kung saan iginiit nitong ipahihinto na ng pamahalaan ang pag-iisyu ng visa sa lahat ng papasok sa bansa.

Kasabay nito, binigyang linaw din ni Locsin na sakop ng naturang kautusan ang lahat ng dayuhang magnanais na pumasok sa Pilipinas anuman ang nasyonalidad.

Dagdag pa ng kalihim, papayagan naman ng pamahalaan ang mga outgoing foreign visitors o yung mga dayuhan na papalabas ng bansa na makaalis ng Pilipinas.

Gayunman, hindi na naman nagbigay pa ng karagdagang detalye si Locsin sa nasabing kautusan.

Una rito, nagpatupad ang Pilipinas ng ban sa incoming at outgoing travel kaugnay na rin ng umiiral na enhanced community quarantine sa Luzon dahil pa sa banta ng coronavirus disease (COVID-19).