Garin nanawagan na magkaroon ng pagamutan na mangangasiwa para lamang sa COVID-19

0
16

Muling nanawagan si Iloilo Rep. at dating Health Sec. Janette Garin para sa pagkakaroon ng pagamutan na mangangasiwa lamang para sa mga kaso ng coronavirus disease (COVID-19).

Ito ang iginiit ni Garin sa harap ng tumataas na kaso ng COVID-19 sa bansa.

Aniya, limitado lamang kasi sa ngayon ang kaalaman ng mga eksperto hinggil sa virus, kaya’t mas mainam na magtakda ang pamahalaan ng isang ospital na para lamang sa COVID-19.

Sinabi ni Garin, sa pamamagitan kasi nito madaling maiwasan ang pagkalat ng sakit, at madali ring matutukan ng pamahalaan ang kaso nito.

Kung magkakaroon kasi aniya ang gobyerno ng dedikadong ospital para sa COVID-19 ay mas magkakaroon ng pagkakataon ang mga ekperto at health workers na magsanib puwersa upang labanan ang pagkalat ng virus.

Sa naturang rekumendasyon, iminungkahi ni Garin ang Lung Center of the Philippines, Philippine Blood Center para maging dedicated hospital para sa COVID-19.