Hindi muna dapat isailalim sa modified general community quarantine (MGCQ) ang Metro Manila.
Ito, ayon kay Professor Guido David ng UP-OCTA research, kung saan kaniyang binigyang diin na hindi nila inirerekumenda ang pagpapatupad ng mas maluwag na quarantine protocols sa Metro Manila.
Sinabi ni David, punuan pa rin kasi ang mga ospital sa Metro Manila dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa.
Kaugnay nito, nanindigan din si David na kailangan pa kasi ang mahigpit na quarantine protocols upang matiyak at mapag-aralan ng mga eksperto na hindi darami ang bilang ng kaso ng COVID-19 sa bansa sa oras na luwagan na ang quarantine measures sa kalakhang Maynila.
Sinabi ni David, mas makabubuti nang ipagpatuloy na ang umiiral na GCQ sa Metro Manila upang matutukan ang posibleng epekto nito sa mga susunod na linggo.
Sa ngayon sinabi rin ni David na bagamat umaasa sila na mapa-flatten na ang curve ng COVID-19 cases sa bansa pagsapit ng Setyembre ay hindi naman dapat aniya pakampante ang gobyerno.