Maynilad at Manila Water nasermonan sa water shortage hearing ng Kamara

0
20

Nagisa ang mga kinatawan ng Maynilad at Manila Water sa pagdinig ng Kamara hinggil sa nararanasang kakulangan ng suplay ng tubig sa Metro Manila.

Sa ikinasang pagdinig ng House Committee on Metro Manila Development, sinermunan ni Pasig City Representative Roman Romulo ang mga kinatawan ng dalawang water concessionaires dahil sa kawalan nito ng planong matugunan ang pangangailangan ng lumalaking populasyon na kanilang sinu-suplayan ng tubig.

Ayon kay Romulo, dapat mayroong pag-aaral ang Maynilad at Manila Water na tataas ang demand ng publiko sa suplay ng tubig.

Aniya, hindi rin maaring i-dahilan ng mga ito na madalang ang pag-ulan at mababang lebel ng tubig sa Angat Dam.

Ibig sabihin ba wala silang conjectures for the next years na pwedeng mag spike yan (kakulangan sa tubig)? Hindi ba nila inisip na maaaring maging progresibo talaga ang ating bansa, na dodoble o ti-triple yung kanilang mga consumers,” —ani Pasig City Representative Roman Romulo.

Giit pa ng mambabatas, dapat may nakalatag na plano ang mga water concessionaires sa ganitong uri ng insidente dahil pangunahing mandato aniya ng mga ito ang makapag-bigay ng 24/7 na suplay ng tubig sa kanilang mga konsyumer.

Dagdag pa nito, hindi dapat puro kita ang iniisip ng pamunuan ng Maynilad at Manila Water dahil public service ang pinasok ng mga ito.

Tama na yung pagbintang sa ulan at sa nature. Alam ko iyan ang pinaka easiest excuse. Pero as a concessionare, just as the goverment agencies, kailangan mayroon kayong plano,”—dagdag pa ni Romulo

Kaugnay nito, sinabi naman ni Manila Water CEO Jose Rene Almendras na mayroong silang plano para sa mas maayos na serbisyo.

Ipinagmalaki pa nito na simula nang makuha nila ang concession agreement mula noong 1997 ay nagawa nilang mabigyan ng 24/7 na suplay ng tubig ang lahat ng kanilang konsyumer.