Kakasuhan ng Food and Drug Administration (FDA) ang mga source o manufacturer ng lambanog na sanhi ng pagkamatay ng halos tatlumpu (30) katao at pagkalason ng mahigit siyamnapung (90) iba pa sa ilang lugar.
Ayon sa FDA, dapat panagutin sa batas ang gumawa at nagbenta ng naturang alak na may mataas na lebel ng methanol.
Simula pa noong Mayo ay nakapagtala na ang ahensya ng mga kaso ng pagkalason dahil sa pag-inom ng lambanog sa Capas, Tarlac; Santa Rosa City, Calamba City, Luisiana At Calauan, Laguna; Antipolo City, Rizal; Novaliches, Quezon City at Pandi, Bulacan.
Nakikipag-ugnayan na ang FDA sa Philippine National Police (PNP) upang mapalakas ang mga kaso laban sa sinumang manufacturer ng nakalalasong lambanog.
Samantala, umaaray na ang mga lambanog supplier sa Candelaria, Quezon sa pagkalugi ng kanilang negosyo matapos ang mga kaso ng pagkalason sa Laguna at iba pang lugar.
Malaking dagok anila ito sa kanilang hanapbuhay lalo ngayong malapit na ang pasko at bagong taon kung saan inaasahang magiging mabenta ang lambanog.