Manila Water nais papanagutin sa nangyaring krisis sa tubig

0
66

Nanindigan ngayon si Senadora Risa Hontiveros na hindi sapat ang “sorry” ng mga opisyal ng Manila Water.

Sa pagdinig ng Senado, iginiit ni Hontiveros na hindi dapat makuntento ang publiko sa paghingi ng paumanhin ng Manila Water na nabigo sa kanilang tungkuling suplayan ng tubig ang mga lugar sa Metro Manila at Rizal.

Binigyang diin ng senadora na dapat pagbayarin ang Manila Water para sa lahat ng mga nalagay sa alanganin at perwisyong idinulot ng krisis sa tubig.

Samantala, malaking perwisyo rin ang idinulot sa mga taga-Mandaluyong ng mahigit isang linggong kawalan ng supply ng tubig mula Manila Water.

Sa pagdinig ng Senado, sinabi ni Mandaluyong Mayor Menchie Abalos, maraming indibiduwal at negosyo ang naapektuhan dahil sa kawalan ng tubig.

Iginiit ni Abalos na hindi nakapaghanda ang kanilang mga mamamayan dahil sa mas nauna pang mawalan ng tubig kaysa sa abiso mula sa Manila Water.


Sa panig naman ni House Committee on Metro Manila Development Authority Chairperson Winston Castelo, sinabi nitong dapat na magbayad ng danyos o bawasan ang sinisingil ng Mnaila Water sa kanilang mga costumers na naperwisyo nang mawalan ng supply ng tubig.

Kasunod ito ng isinagawang pagdinig ng komite na pinamumunuan ni Castelo kahapaon kung saan humingi ng tawad at inako ng Manila Water ang responsibilidad sa nangyaring krisis sa tubig.

Ayon kay Castelo, hindi sapat na hihingi lamang ng paumanhin ang Manila Water at walang makukuhang hustisya ang mga nagsakripisyong taumbayan.

Iginiit naman ni Castelo ang pagsasampa ng class suit sa Manila Water sakaling magmatigas ito at hindi mabigay ng nararapat na kompensasyon sa mga naapektuhang customers.—Krista de Dios

—-