Malalang trapiko sa SLEx susubukang solusyunan —TRB

0
10

Susubukang bigyan ng solusyon ng Toll Regulatory Board (TRB) at ng mga namumuno sa proyekto ng Skyway ang mabigat na daloy ng trapiko sa South Luzon Expressway (SLEx).

Ito ay matapos maranasan ang halos walang galawang mga sasakyan sa Northbound lane ng SLEx nuong Miyerkules na tumagal hanggang madaling araw ng Huwebes.

Nabatid na ito ay dahil sa pagtatayo ng mga poste para sa apat (4) na kilometrong extension ng Skyway project sa Alabang hanggang Filinvest dahilan para isara ang isa lane pa-Northbound.

Naniniwala si Abraham Salexs, Executive Director ng TRB, may pagkukulang sa pagpapakalat ng impormasyon ang Skyway hinggil sa kanilang proyekto kaya’t hindi ito napaghandaan ng mga motorista.

Dahil dito humingi naman ng paumanhin sa abalang naidulot sa mga motorista si Manuel Bonoan , pinuno ng San Miguel Corporation Tollways na siyang namumuno sa nasabing proyekto.

Nakatakda namang matapos ang Skyway sa Disyembre 2020 at inaasahang pagagaanin nito ang daloy ng trapiko hanggang Edsa.