Makati City itinuturing na pinakamayamang LGU sa taong 2017 ayon sa COA

0
86

Itinuturing na pinakamayamang local government unit ang Makati City, ang financial at business capital ng bansa matapos maitala ang halos P200 billion na kabuuang net worth ng lungsod.

Ayon sa Commission on Audit o COA, pumangalawa na lamang sa listahan nila ang Quezon City kung saan pumapalo sa halos P70 billion ang net worth sa 2017 bagamat tumaas ang mga asset nito.

Ang Quezon City ang nanguna sa 2016 annual financial report ng COA sa halos P60 billion na kabuuang assets nito at tinaguriang pinakamayamang lungsod sa buong bansa sa termino ni dating Mayor Feliciano Sonny Belmonte mula 2001 hanggang 2010.

Nananatili namang nasa ikatlong puwesto ang Maynila na mayroong halos P39 billion; ika-apat ang Cebu City sa halos P34 billion na assets; ika-lima ang Pasig na may halos P34 billion at ika-anim ang Taguig City na may mahigit P19 billion.

Nasa ika-pitong puwesto naman ang Caloocan na may kabuuang P17 billion na assets at sinundan ng Pasay City na may P16. 6 billion na assets.

Pasok naman sa ika-siyam na puwesto ang Davao City na may P13.1 billion na assets at ika-sampu ang Calamba sa Laguna na may P12.4 billion pesos na assets.

Samantala, idineklara namang ikalawang pinakamayamang lalawigan ang Compostela Valley.

Ito ayon sa COA ay matapos tumaas ng mahigpit 400 percent ang assets ng Compostella Valley na nasa P18.95 billion noong 2017 mula sa P3.74 billion lamang noong 2016.

Sinabi ng COA na malaking factor sa pagtaas ng assets ng Compostela Valley ang pagkakasama ng public infrastructure projects sa book of accounts ng probinsya. Ang dating nasa ikalawang puwesto na Rizal ay nalaglag sa ika-apat na puwesto na nasa P14 billion ang assets samantalang tumaas naman sa ikatlong puwesto ang lalawigan ng Batangas na halos P16 billion ang assets.

Pasok sa top 5 ang Negros Occidental na nasa halos P13 billion ang assets at nananatili namang pinakamayamang lalawigan ang Cebu na ang assets ay tinatayang nasa halos P35 billion. Ang Zambales ay idineklarang ika-anim na pinakamayamang lalawiga na may P10.46 billion pesos; ika-pito ang Bulacan, P10.45 billion; ika-walo ang Palawan na nasa P10.16 billion ang assets; ika-siyam ang Iloilo, P10 billion at ika-sampu ang Pampanga, P9.53 billion.

Laglag naman sa COA list bilang pinamayamang lalawigan ang Laguna, Nueva ecija at Leyte na pinalitan ng Compostela valley, Zambales at Pampanga.