Labor groups umapela sa Pangulo na pakialaman na ang umento sa sahod

0
49

Umapela sa Pangulong Rodrigo Duterte ang grupo ng mga manggagawa na pakialaman na ang dagdag sahod para sa mga manggagawa.

Ayon kay Alan Tanjusay, spokesman ng ALU-TUCP o Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines, may pag-asa pang madagdagan ang P25 na umento kung pakiki-alaman ito ng Pangulo.

Kaugnay ito sa inaprubahang P25 na umento sa sahod ng mga manggagawa sa Metro Manila.

Sinabi ni Tanjusay na kapag ginawa ito ng Pangulo, maaaring tumaas pa ang kanilang political capital status at maaaring makatulong ito sa mga kandidato ng administrasyon sa eleksyon.

Kasabay nito, nanawagan si Tanjusay sa wage board na daanin sa siyentipikong paraan ang computation ng sahod at hindi lamang sa botohan.

Masyado na aniyang luma ang sistema ng botohan na ginagamit ng wage board sa halip na scientific at nakabatay sa data analytics.


Bagong petisyon sa halip na apela

Posibleng bagong petisyon sa halip na apela ang ihain ng ALU-TUCP o Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines sa regional wage board.

Ayon kay Alan Tanjusay, spokesman ng ALU-TUCP, mayroon pang umiiral na supervening condition kaya’t uubra pa silang makapaghain ng panibagong petisyon.

Tinukoy ni Tanjusay ang napakataas pa ring inflation rate sa bansa.

Sa ilalim ng batas, isang beses isang taon lamang puwedeng maglabas ng bagong wage order o umento ang mga wage boards.

Una nang inaprubahan ng wage board ang P25 na umento sa minimum wage sa Metro Manila.