LTO nag-inspeksyun sa mga bus terminal bilang paghahanda sa ‘Undas’

0
48

Sinimulan nang inspeksyunin ng Land Transportation Office (LTO) ang mga terminal sa Metro Manila kahapon, bilang paghahanda sa Undas.

Isa sa unang ininspeksyon ng lto ang Araneta Bus Terminal sa Cubao Quezon, City na isa sa mga pinakaabala tuwing Undas.

Dito, sinuri ng mga tauhan ng lto ang ilaw, preno at gulong ng mga bus para matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero gayundin kung may seat belt ang upuan ng driver at mga unahang upuan.

Tiningnan din ng lto ang rehistro at prangkisa ng mga bus at kung may karelyebo ang mga ito.

Ayon sa lto, araw-araw na ang kanilang isasagawang random inspection sa ibat ibang terminal sa Quezon City, Manila at Pasay City habang papalapit na ang Undas.


Sitwasyon sa mga bus terminal nanatiling normal

Nananatili pa ring normal ang sitwasyon sa ilang mga terminal sa Pasay, Manila at Quezon City kabilang na ang Araneta Bus Terminal sa Cubao hanggang kagabi.

Ayon sa pamunuan ng Araneta Bus Terminal, normal pa ang dami ng mga pasahero at may kaluwagan pa ang mga bumibiyaheng bus lalo na ang mga patungong Eastern Visayas.

Gayunman, kanilang inaasahang magsimula nang magdatingan ang mga luluwas ng probinsya ngayong araw para makaiwas na rin sa dagsa ng mga tao.

Samantala, sa ilang terminal sa Sampaloc Maynila, fully booked na ang biyahe ng kanilang mga bus.

Ayon sa Victory Liner, puno na ang biyahe ng kanilang mga bus patungong Tuguegarao, Olongapo, Ilocos, Cagayan at Laoag simula pa noong nakaraang linggo hanggang Oktubre 31.

Habang sa Florida Transport, fully booked na rin ang biyahe ng kanilang mga air-conditioned bus patungong Tuguegarao, Isabela, Santiago at Aparri simula Oktubre 30 hanggang 31.

Pagtitiyak naman ng pamunuan ng dalawang bus company, may mga nakaantabay pa rin silang extra bus sa Oktubre 31.