Kampo ni Trillanes umaasa susunod ang Makati RTC 150 sa desisyon ng branch 148

0
34

Umaasa ang kampo ni Senador Antonio Trillanes IV na susunod din ng Makati City Regional Trial Court (RTC) Branch 150 ang ipinalabas na resolusyon ng branch 148.

Ayon kay Atty. Rey Robles, abogado ni Trillanes, kanilang haharapin ang nakabinbing pang kasong rebelyon sa Makati City RTC branch 150 kung saan meron pa silang motion for reconsideration.

Ito ay kasunod ng pagpapalabas ng warrant of arrest ni Judge Elmo Alameda ng branch 150 laban kay Trillanes.

Aniya, kanilang hihikayatin si Alameda na tignan ang ginamit na batayan ni Judge Andres Soriano ng Makati RTC Branch 148 hinggil sa kasong may pinal nang pasya ng korte.

“Siguro ‘yun haharapin namin at we will try also convince the presiding judge that there is basis to uphold the immutability of the court decisions ‘no. Ang maliwanag na sinundan ni Judge Soriano sa kasong ito ang isang pinal na kaso ng korte ay hindi pwedeng buksan na kahit na ang Korte Suprema. Ayan ang nakalagay sa ating jurisprudence kasi pag nangyari yan mawawalan ng stability ang ating judicial system.” Pahayag ni Robles.

Tiwala rin si Robles na hindi magagamit sa isang court martial laban kay Trillanes ang resolusyon ni Judge Soriano na kumakatig sa validity ng Proclamation No. 572 ni Pangulong Rodrigo Duterte o pagpapawalang bisa sa amnestiya nito.

“Bukod pa doon sa fact na si Senator Trillanes 2007 ay civilian na, mayroon order ang AFP. Uulitin ko ulit General Order No. 515 series of 2007, in which the Armed Forces actually approved yung ipso facto resignation as a result nung pag fifile niya ng certificate of candidacy (COC).” Ani Robles.