K to 12 program constitutional ayon sa Korte Suprema

0
58

Pinagtibay ng Korte Suprema ang constitutionality o pagiging ligal ng ipinatutupad na K to 12 program ng pamahalaan.

Batay sa ipinalabas na desisyon ng Korte Suprema, nakasaad na walang naging sapat na patunay ang mga petitioners sa mga sinasabing paglabag sa konstitusyon ng Republic Act 10533 o Enhanced Basic Education of 2013 at RA 10157 o Kindergarten Education Act.

Dagdag ng Korte Suprema, nabigo rin ang mga petitioners na patunayang nagkaroon ng pag-abuso sa pagpapatupad ng K to 12 program.

Kasabay nito, tinanggal na rin ng Korte Suprema ang ipinalabas nitong temporary restraining order (TRO) noong 2015 sa memorandum number 20 ng Commission on Higher Education na nagtatanggal sa mga subjects na Filipino at panitikan sa kolehiyo.

Magugunitang nilagdaan ni dating Pangulong Noynoy Aquino bilang ganap na batas ang RA 10533 noong 2013 na nagpapalawig sa labing dalawang (12) taon ng basic education cycle mula sa dating sampung taon.


Ikinalugod naman ng Department of Education (DepEd) ang desisyon ng Korte Suprema na nagpapatibay sa constitutionality ng ipinatutupad na K to 12 program ng pamahalaan.

Ayon kay Education Secretary Leonor Briones, dahil sa ipinalabas na desisyon ng Korte Suprema, umaasa siyang tuluyan nang matatapos ang usapin.

Dagdag ni Briones, sa ngayong kanila nang pinag-aaralang muli ang curriculum ng K to 12 program para matugunan ang mga kinahaharap na hamon sa pagpapatupad nito.

Binigyang diin ni Briones, kanilang kinikilala na nagsimula ang pagpapatupad ng K to 12 sa nakaraang administrasyon at nagsasagawa na lamang sila ngayon ng ilang pag-sasaayos dito.

Samantala, wala pang komento si Commission on Higher Education Chairman Prospero de Vera sa pag-aalis ng Korte Suprema sa temporary restraining order sa memorandum na nagtatanggal sa mga subject na Filipino at Panitikan sa college curriculum.

Magugunitang, una nang inatasan ni De Vera ang mga kolehiyo at pamantasan na huwag alisin ang mandatory Filipino subject dahil sa ipinalabas na TRO ng Korte Suprema.

—-