‘Joint force’ para bigyang hustisya ang Silawan murder hiling ng PAO

0
54

Makikipag-ugnayan na ang Public Attorneys’ Office (PAO), legal counsel ng pamilya Silawan, sa Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) hinggil sa kaso ng pagpatay sa 16-anyos na dalagitang si Christine Silawan.

Ayon kay PAO Chief Persida Acosta, kinakailangang i-consolidate o pagsamahin ang mga ebidensiyang hawak ng NBI, PNP at kanilang ahensiya.

Layon aniya nitong gawing mas matibay pa ang isasampang kaso na aabot sa paglilitis ng korte at paghahatol.

Paliwanag ni Acosta, masasabing may kulang pa sa mga ebidensiyang hawak ng NBI tulad ng testigo na siya namang hawak ng PNP.

“Ang ating NBI at pulis ay hindi rin humihinto, ang kailangan lang ay ma-consolidate ang puwersa para sa hustisya, para sa katotohanan, hindi ‘yung kanya-kanyang lakad po, noong isang linggo pa lang ay nakipag-uganayan na tayo sa Lapu-Lapu City PNP at nakita naman natin na nasa right track, kaya lang nung Lunes ay biglang nag-file na ang NBI sa piskalya, tayo rin po ay magsisikap na maka-usap ang mga NBI na nag-iimbestiga rin dito para mag-join forces na po ang tatlong ahensya.” Ani Acosta

Bukod dito, pinag-aaralan din ng PAO na isailalim muli sa autopsy ang bangkay ni Silawan kasunod ng findings ng PNP na hindi ito ginalaw.

Habang sa imbestigasyon ng NBI ay nagkaroon umano ng pag-amin ang binatilyong suspek bagama’t wala pa itong napanumpaang salaysay.

“Pero wala pong written confession ‘yung bata eh, wala pong statement pa hanggang ngayon dahil ayon sa ating PAO lawyers walang lawyer na gustong humawak ng kaso para sa bata dahil tingnan mo naman ang ginawa sa biktima, kami naman po sa PAO, nauna po ang pamilya ni Christine na humingi ng tulong sa amin noong isang linggo pa, kaya inaalalayan naman ng ating PAO Lapu-Lapu.” Pahayag ni Acosta

(Ratsada Balita Interview)