JBC pagpapasiyahan na ang mga makakasama sa shortlist para sa susunod na CJ ng SC

0
50

Pagpapasiyahan na ng Judicial and Bar Council (JBC) sa Biyernes ang mga pangalang isasama sa shortlist para sa pagpipilian na maging susunod na punong mahistrado ng Supreme Court.

Ayon kay Department of Justice (DOJ) Secretary at JBC ex-officio member Menardo Guevarra, nakatakda sa Biyernes ang kanilang deliberasyon kung saan pagbobotohan na nila ang mga isasama sa shortlist.

Kasunod naman aniya nito, agad na nilang isusumite sa Malakanyang ang pinal na shortlist para makapili na si Pangulong Rodrigo Duterte ng susunod na chief justice.

Sa ngayon, lima lamang na pangalan ang naglalaban-laban sa posisyon na kinabibilangan nina Supreme Court associte justices Antonio Carpio, Diosdado Peralta, Lucas Bersamin, Estela Perlas-Bernabe at Andres Reyes Jr.

Magugunitang, Oktubre 10 pa bakante ang posisyon ng punong mahistrado kasunod ng compulsory retirement ni dating Chief Justice Teresita Leonardo De Castro.