Naghain na sa Korte Suprema ang grupong Akbayan at Akbayan Youth ng mosyon kaugnay sa kontrobersyal na dolomite sands na inilagay sa Manila Bay.
Hiling ng grupo sa Korte Suprema na i-cite for contempt ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) dahil sa pagpayag nito na tambakan ng dolomite sand ang shoreline ng Manila Bay.
Giit kasi ng grupo na labag sa inilabas na Writ of Mandamus ng Korte Suprema ang pagtatambak ng artificial white sand sa pampang ng Manila Bay.
Aniya, isang malaking banta sa kaban ng bayan, maging sa kalusugan at kalikasan ang naturang proyekto ng DENR.
Hirit pa ng grupo na ilipat na lamang o ‘di kaya’y gamitin ang ginamit na pondo sa mga pampublikong ospital at mga nangangailangan na health workers ngayong panahon ng pamdemya.
Kabilang sa mga pumirma sa mosyon ay sina Akbayan Chairman Emeritus Etta Rosales at Akbayan Youth Spokesperson Dr. Rj Naguit at iba pa.