Isang buwang libreng singil sa kuryente ng Meralco inihirit

0
11

Inihihirit sa Meralco ni Senior Deputy Minority Leader at Bayan Muna Representative Carlos Zarate na gawing libre ang isang buwang bill ng mga customer.

Ito ay sa kabila aniya ng kinakaharap na krisis ng bansa dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Isang malaking katanungan para sa mambabatas ang pagpataw ng Meralco ng mataas na singil na kuryete ngayong buwan ng Abril gayung ang maliliit na electric cooperatives ay ginawa nang libre ang isang buwang bill sa kanilang mga customers.

Samantala, iminungkahi rin ni Zarate na maaari ring i-waive ng Meralco at iba pang generation companies ang electric bills ng kanilang lifeline consumers at ipagpaliban ang pagbabayad ng dalawang buwan para sa iba o di kaya’y bawasan kahit P500 ang bayarin ng kanilang customers sa loob ng dalawang buwan.

Sa ganitong paraan aniya ay maiibsan kahit papaano ang problemang pinansyal ng taumbayan lalo na’t natigil ang hanapbuhay ng maraming Pilipino dahil sa ipinatutupad na mga lockdown.