Iriga: P14.4M halagang mga Traktor mula sa DA at PhilMech, Ipinamahagi sa Catanduanes sa Pamumuno ni Gobernor Azanza

    0
    4

    Sa pamumuno ni Governor Patrick Alain T. Azanza, isinagawa ang ceremonial turnover ng unang batch ng mga traktor mula sa Department of Agriculture (DA) at Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PhilMech) na nagkakahalaga ng ₱14.4 milyon, bilang bahagi ng pinalalakas na suporta ng pamahalaan sa sektor ng agrikultura sa lalawigan ng Catanduanes.

    Ayon sa Gobernador, anim (6) pang karagdagang traktor ang inaasahang darating bilang pagpapatuloy ng tulong sa probinsya.

    Dumalo sa turnover si Engr. Joseph Corporal Jr., Regional Focal Person ng PhilMech, na kumatawan kay PhilMech Director Dionisio G. Alvindia. Ibinahagi niya na ang mga traktor ay mula sa Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) at layong tulungan ang mga magsasaka na mapataas ang produksyon at kakayahang kumita, gayundin ang makasabay sa pandaigdigang kompetisyon sa pamamagitan ng paggamit ng makabago at angkop na teknolohiya sa produksyon at post-harvest.

    Dumalo rin si Mr. Rafael Magallanes, Agricultural Program Officer ng DA Region V, na kumatawan kay DA Regional Executive Director Rodel P. Tornilla. Sa kanyang mensahe, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng farm mechanization upang mabawasan ang pisikal na hirap ng pagbubukid, tugunan ang kakulangan sa manggagawa, at mahikayat ang kabataan na pumasok sa sektor ng agrikultura. Hinikayat din niya ang mga benepisyaryo na pangalagaan at gamitin nang wasto ang mga makinarya upang mapanatili ang tuloy-tuloy na produksyon ng palay at mapabuti ang kabuhayan ng mga magsasaka.

    Kabilang rin sa mga dumalo sa ceremonial turnover sina Mayor Aly Romano ng San Andres, Mayor Jen Tuplano at Kagawad Jasper Adrian Sidlacan ng Viga, bilang pagpapakita ng suporta ng mga lokal na pamahalaan sa programang naglalayong palakasin ang sektor ng agrikultura sa kani-kanilang mga bayan.

    Ayon kay Gobernador Azanza, ang mga traktor ay ilalaan sa Libreng Arado Program ng Pamahalaang Panlalawigan, na magbibigay ng libreng serbisyo sa pagbubungkal ng lupa para sa mga magsasaka sa bawat munisipyo sa isla. Layunin ng programa na mapababa ang gastos sa produksyon at mapataas ang ani ng mga magsasaka sa Catanduanes.

    Nagpaabot din ng pasasalamat ang Gobernador kina PhilMech Director Dionisio G. Alvindia at DA Regional Executive Director Rodel P. Tornilla sa kanilang patuloy na suporta at pakikiisa sa adhikain ng probinsya na palakasin ang lokal na agrikultura.

    Ang proyektong ito ay bunga ng personal na pakikipagpulong at pakiusap ni Gobernador Azanza kay DA Secretary Francisco “Kiko” Laurel Jr. noong Mayo 31, 2025—bago pa man siya maupo bilang Gobernador—patunay ng katuparan ng pangakong tulong para sa mga magsasaka ng Catanduanes.

    Sa pamamagitan ng mga konkretong programang tulad nito, patuloy na pinagtitibay ng Pamahalaang Panlalawigan ang layunin nitong gawing mas matatag, produktibo, at napapanahon ang sektor ng agrikultura para sa kapakanan ng bawat Catandunganon. Source: Catanduanes PIO

    Leave a Reply