Bilang pagkilala sa kanilang natatanging pagsisikap na maipatupad ang mga pamantayan ng Philippine Good Agricultural Practices (PhilGAP), pinarangalan ng Kagawaran ng Pagsasaka sa Bicol ang mga magsasaka at kawani ng lokal na pamahalaan na nagpamalas ng dedikasyon sa pagsulong ng kaligtasan sa pagkain at likas-kayang pagsasaka sa rehiyon.
Pinangunahan nina Department of Agriculture Bicol Regulatory Division Chief Imelda Acompañado at Bureau of Plant Industry (BPI) Plant Product Safety Services Division Chief William Mugot ang paggawad ng mga parangal sa ginanap na 1st Regional PhilGAP Summit noong ika-12 ng Mayo ngayong taon sa bayan ng Pili, Camarines Sur.
Itinanghal na Outstanding PhilGAP Provincial Implementer sa kategoryang Provincial Local Government Unit (PLGU) ang PLGU-Camarines Norte sa pangunguna ni Provincial Agriculturist Engr. Almirante Abad. Sa kategoryang Municipal LGU, tinanggap ng LGU-Ragay ang pagiging Outstanding PhilGAP Municipal Implementer.
Kinilala naman bilang Outstanding PhilGAP Provincial Focal Coordinator si Rowil Diaz ng PLGU-Cam. Norte habang Outstanding PhilGAP Municipal Focal Coordinator naman si Lisa Marie Paet ng LGU-Ragay, Cam. Sur.
Source: Department of Agriculture- BICOL
