Iriga: May kataasang singil sa Airport Fees sa BIA, pinatigil muna

0
37

Pinagtibay ng Sangguniang Panlalawigan ng Albay (SPA) ang resolusyon hinggil sa pansamantalang suspensiyon ng implementasyon ng revised airport fees sa Bicol International Airport (BIA).

Ito ay makaraang mabuksang muli ang naturang usapin sa sesyon-regular ng Sanggunian nitong linggo.

Ayon kay 2nd District Board Member Vincente F. Baltazar III, kasunod ito ng ilang mga reklamo mula sa mga kliyente ng naturang paliparan patungkol sa kapansin-pansing pagtaas ng koleksyon sa parking fee nito na aniya’y anti-poor.

Ani Baltazar, ang dating koleksyon para sa overnight parking ay naglalaro lamang sa Php 168.00 ngunit sa panibagong rate ay umaabot na ng Php 600.00 ang 24 oras na parking charge.

Malaki umano ang magiging epekto ng bagong vehicular parking fee na ipinapataw sa BIA alinsunod sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) Memorandum Circular No. 019-2025.

Bunsod nito ay iminungkahi ng ilang miyembro ng SPA partikular nina Committee on Ways and Means Chairperson, 2nd District Board Member Atty. Melissa Abadeza-Armedilla; Committee on Transportation Chairperson, 3rd District Board Member Dante Arandia; at 2nd District Board Member Vicente F. Baltazar III, ang pansamantalang pagpapatigil sa implementasyon ng Revised Schedule of Airport and Concession Fees and Charges for all Airports under the Civil Aviation Authority of the Philippines.

Suhestiyon ni Baltazar, maigi umanong magkaroon pa rin ng stakeholders’ consultation bago ipatupad ang panibagong vehicular parking fee para malaman ng publiko ang dahilan ng pagtaas na ito.

Base sa CAAP Memorandum, mayroong Php 100.00 na charge ang mga bus, Php 50.00 sa mga kotse, at Php 25.00 naman ang sa motorsiklo para sa unang dalawang (2) oras.

Samantalang pumapalo naman sa Php 50.00 ang singil sa bus, Php 25.00 sa mga kotse, at Php 15.00 sa mga motorsiklo sa susunod na mga oras, kasama na rito ang Value Added Tax (VAT).

Source: Albay PIO

Leave a Reply