(Legazpi City, April 28, 2025) Tuluyan nang nakapasok ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang binabantayang low pressure area (LPA 4a) ngayong linggo.
Batay sa pinakahuling monitoring ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), huli itong namataan sa layong 655 km silangan ng General Santos City, sa South Cotabato.
Ayon kay PAGASA weather specialist Daniel James Villamil, nananatiling mababa pa rin ang tyansa na ito ay mabuo bilang ganap na bagyo sa susunod na 24 oras.
Gayunpaman, gawa ng nakapaloob ang LPA sa Intertropical Convergence Zone (ITCZ) ay asahan pa rin ang kalat-kalat na mga pag-ulan na may pagkulog, at pagkidlat.
Makararanas ng ganitong lagay ng panahon ang katimugang bahagi ng Mindanao, at ang Palawan.
Samantala, asahan naman ang mainit at maalinsangang panahon sa Metro Manila, at sa nalalabing bahagi ng bansa simula umaga hanggang sa tanghali ngayong araw.
Pagsapit naman ng hapon hanggang sa gabi, ay hindi inaalis ng state weather bureau ang posibilidad ng biglaan, at panandaliang buhos ng ulan na dulot ng localized thunderstorms, na sanhi naman ng easterlies.
Source: Albay PIO