(Legazpi City, April 28, 2025) Itinaas na sa Alert Level 1 (Low-level Unrest) ang Bulkang Bulusan sa Sorsogon kasunod ng phreatic eruption na naganap mula ss crater nito.
Ayon sa opisyal na report ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), nangyari ang phreatic eruption simula alas-4:36 ng madaling araw kanina na nagtagal ng 24 minuto base sa kanilang seismic at infrasound records.
Bunsod nito ay nagkaroon ng bent plume o pagsingaw na umabot ng 4,500 metro ang taas mula sa bunganga ng bulkan bago ito napadpad sa may kanluran hangang timog-kanlurang bahagi nito.
Napaulat din ang ashfall sa Brgy. Cogon, at Bolos, Irosin at Brgy. Puting Sapa, Guruyan, Buraburan at Tulatula Sur, Juban, Sorsogon.
Mayroon ring pyroclastic density current (PDC) na bumaba sa timog-kanlurang dalisdis ng Bulusan at napadpad tatlong (3) kilometro mula sa summit vent.
Base sa datos ng PHIVOLCS, bago pa man ang phreatic eruption, nakapagtala na anila ng kabuuang limampu’t tatlong (53) volcanic earthquakes sa bulkan kahapon.
Bunsod nito ay mahigpit nang ipinagbabawal ang pagpasok sa loob ng 4-kilometer radius Permanent Danger Zone (PDZ), gayundin ang mahigpit na pagmonitor sa 2-kilometer Extended Danger Zone (EDZ) dahil sa posibilidad ng volcanic hazards katulad na lamang ng PDCs, rockfall events, ballistic projectiles, avalanches, at ashfall.
Source: Albay PIO