Malaking tulong para sa mga Albayano, lalo na sa mahihirap na sektor, ang libreng eyecare services na inaalok sa Provincial Eye Clinic na matatagpuan sa Dr. Lorenzo P. Ziga Memorial District Hospital (DLPZMDH) sa Lungsod ng Tabaco.
Kabilang sa mga procedures na available sa naturang clinic ang cataract surgery phacoemulsification, extra capsular cataract extraction (ECCE), secondary implantation ng intraocular lens, scleral fixation ng intraocular lens, intracapsular cataract extraction (ICCE), pterygium surgery, foreign body removal, at chalazion excision.
Ayon kay Chief-of-Hospital (COH) Dr. Aires O. Perillo, kwalipikadong maging benepisyaryo ng nasabing mga serbisyo ang mga pasyenteng miyembro ng Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth.
Ayon sa opisyal, sakaling hindi pa PhilHealth member ang pasyenteng sasailalim sa operasyon, maaari ang mga itong mag-enrol sa Electronic Member Registration and Records Amendment (EMMRA) sa mismong hospital.
Sa pamamagitan aniya nito ay mababawasan na ang pasanin ng mga pasyente dahil hindi na nito kailangan pang bumyahe papunta sa opisina ng PhilHealth para makapagpa-rehistro.
“Members of PhilHealth can avail the services free of charge, pero yung mga hindi pa miyembro puwede silang mag-enrol dito sa hospital. We are planning for a one-stop shop here, since accredited na din kami ng health insurer for that,” saad ng opisyal.
Bukod sa libreng serbisyo para sa kalusugan ng mata, nais rin ng pamunuan ng hospital ang magaang transaksyon para sa mga pasyente alinsunod na rin sa naging kautusan ni Albay Governor Noel Ebriega Rosal.
Source: Albay PIO
