Arestado ang isang empleyado ng munisipyo ng Dimasalang, Masbate matapos ang matagumpay na implementasyon ng search warrant operation na isinagawa ng Masbate Police Provincial Office noong Mayo 25, 2026 sa Barangay Canomay, Dimasalang, Masbate.
Dakong 4:15 PM nang isagawa ang operasyon sa pangunguna ng PIU-PPDEU bilang lead unit, katuwang ang Dimasalang MPS, ODRDO RPDEU5, at 502nd Maneuver Company ng RMFB5, sa pakikipagugnayan sa ng PDEA Region V. Ang operasyon ay isinagawa sa bisa ng search warrant na nagresulta sa pagkakaaresto ng suspek na kinilalang alyas “Manny,” 48 anyos, residente ng Dimasalang, Masbate at kasalukuyang empleyado ng lokal na pamahalaan.
Sa isinagawang paghahalughog sa loob ng tirahan ng suspek, nakuha ng mga operatiba ang siyam (9) na heat-sealed transparent plastic sachets na naglalaman ng hinihinalang shabu na may kabuuang bigat na humigit-kumulang 8.9 gramo at may standard drug price na P60,520.00. Nakumpiska rin ang tatlong (3) piraso ng bala ng kalibre .45.
Agad na ipinaalam sa suspek ang kanyang mga karapatan sa ilalim ng Saligang Batas sa wikang kanyang nauunawaan. Matapos ang operasyon, dinala siya sa Dimasalang MPS para sa tamang dokumentasyon at disposisyon ng kaso, kasama ang mga documentation ng mga ebidensya sa presensya ng suspek at mga kinakailangang saksi, alinsunod sa umiiral na chain of cus
tody procedures.
Sa pahayag ni PBGEN Erosito N. Miranda, Regional Director ng PRO5, binigyang-diin niya na ang matagumpay na implementasyon ng search warrant ay patunay ng mahigpit na pagpapatupad ng batas at tuloy-tuloy na kampanya laban sa ilegal na droga sa rehiyon.
Ayon kay PBGEN Miranda, nananatiling mahigpit ang PRO 5 sa pagtupad ng mandato nito na tiyakin ang kaayusan at seguridad sa pamamagitan ng intelligence-driven operations at mahigpit na koordinasyon ng mga yunit ng kapulisan at mga katuwang na ahensya. Aniya, walang sinuman ang higit sa batas, maging ito man ay nasa hanay ng pamahalaan o pribadong mamamayan.
Ang operasyon ay bahagi ng mas pinalakas na implementasyon ng PNP Focused Agenda na nakatuon sa agresibong kampanya laban sa ilegal na droga, accountability sa hanay ng mga opisyal at kawani ng gobyerno, intelligence-based policing, at pinalawak na community engagement upang mapanatili ang kapayapaan at seguridad sa komunidad.
Patuloy ang imbestigasyon sa kaso habang inihahanda ang kaukulang kaso laban sa suspek.
Source: PNP Kasurog Bicol
