Sa nalalabing mahigit tatlong linggo bago ang halalan, mas pinaigting ng Police Regional Office 5 (PRO 5) sa pangunguna ni PBGEN ANDRE P DIZON, RD ang pagpapatupad ng election gun ban sa buong rehiyon ng Bicol. Simula Enero 12 hanggang Abril 20, 2025, umabot na sa 53 katao ang naaresto dahil sa paglabag sa gun ban alinsunod sa Commission on Elections (COMELEC) Resolution.
Ayon sa rekord, 53 kaso ng paglabag sa gun ban ang naitala, na nagresulta sa pagkakakumpiska ng 54 iba’t ibang uri ng baril at dalawang improvised explosive devices (IEDs).
Pinakamarami sa mga nakumpiskang baril ay nagmula sa lalawigan ng Masbate (15), na sinundan ng Camarines Sur (14), Albay (11), Sorsogon (7), Camarines Norte (6), at Naga City (1). Samantala, nakumpiska rin ang tig-isang IED sa mga lalawigan ng Albay at Camarines Sur.
Bukod dito, nakapagtalaga na ang PRO 5 ng 21,113 checkpoints sa iba’t ibang lugar sa rehiyon, bilang bahagi ng pinalakas na seguridad para tiyaking ligtas at mapayapa ang darating na halalan. Katuwang ng mga pulis sa mga checkpoint ang mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine Coast Guard (PCG), at mga force multiplier mula sa lokal na pamahalaan.
Ayon kay PBGEN DIZON, hindi magpapakampante ang kapulisan sa pagpapatupad ng batas.
“Patuloy ang aming maigting na operasyon laban sa lahat ng uri ng banta sa seguridad, lalo na ngayong panahon ng halalan. Layunin naming matiyak ang maayos, mapayapa, at ligtas na eleksyon para sa bawat Bicolano,” ani Dizon.
Ang mga nahuling lumalabag sa gun ban ay maaaring maharap sa kasong paglabag sa Omnibus Election Code, partikular sa Section 261 (p) na nagbabawal sa pagdadala at paggamit ng mga armas sa panahon ng halalan, maliban sa mga otorisadong personnel.
Bukod dito, kung ang nakumpiskang armas ay hindi lisensyado, maaari rin silang kasuhan sa ilalim ng Republic Act No. 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act. Ang mga nahulihan ng pampasabog o IED ay maaaring maharap sa mas mabigat na kaso sa ilalim ng Republic Act No. 9516, na tumutukoy sa illegal possession of explosives, na may katumbas na parusang habambuhay na pagkakabilanggo.
Hinihimok ng PRO 5 ang publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad sa pamamagitan ng pag-uulat ng anumang kahina-hinalang aktibidad sa kanilang komunidad upang mapanatili ang kaayusan sa panahon ng eleksyon.
Source: PNP Kasurog Bicol