Iriga: Cash-For-Work Payout para sa mga IDPs na Apektado ng Bulkang Mayon, Isinagawa ng DSWD Bicol

0
3

Matapos ang tatlumpung (30) araw na pagtatrabaho ng mga benepisyaryo ng Cash-for-Work (CFW) Program, pormal nang isinagawa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office V – Bicol Region ang sabayang CFW Payout para sa mga Internally Displaced Persons (IDPs) na naapektuhan ng patuloy na pag-aalburoto ng Bulkang Mayon.

Isinagawa ang payout sa mga komunidad na nasa loob ng 6–7 kilometrong Permanent Danger Zone (PDZ) sa lalawigan ng Albay, kung saan lubhang naapektuhan ang kabuhayan ng mga residente. Layon ng programa na makapagbigay ng agarang tulong-pinansiyal at pansamantalang mapagkakakitaan sa mga IDPs mula sa mga bayan ng Camalig, Daraga, Guinobatan, Ligao City, Malilipot, at Tabaco City.

Sa ilalim ng programa, inaasahang 1,323 benepisyaryo ang tatanggap ng tig-₱13,050.00 bilang kapalit sa kanilang 30 araw na serbisyo, kabilang na ang pagtatanim, pagkukumpuni, at pagsasaayos ng mga evacuation center, na mahalaga sa pagpapanatili ng kaayusan at kaligtasan ng mga lumikas na pamilya.

Sa kabuuan, umabot sa ₱17,265,150.00 ang pondong inilaan ng ahensiya para sa mga IDPs na aktibong nakibahagi sa CFW mula Enero 21 hanggang Pebrero 19, 2026, bilang bahagi ng tuloy-tuloy na disaster response at early recovery efforts ng pamahalaan sa Albay.

Ang pagpapatupad ng Cash-for-Work Payout ay kasabay sa agarang pagsunod ng ahensiya sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyaking may napapanahong tulong at disenteng kabuhayan ang mga pamilyang apektado ng kalamidad.

Kasabay nito, naging maayos at matagumpay ang isinagawang aktibidad sa ilalim ng paggabay ni DSWD Secretary Rex Gatchalian, kung saan aktibong pinamunuan ni Regional Director Norman S. Laurio ang dedikadong serbisyo ng mga Angels in Red Vests upang masiguro ang maayos, mabilis, at ligtas na paghahatid ng tulong sa bawat benepisyaryo.

Sa gitna ng patuloy na banta ng Bulkang Mayon, nananatiling matatag ang DSWD Bicol sa pagsusulong ng mga programang nagbibigay ng extra love at extra care, upang masigurong walang pamilyang maiiwan sa pagbangon.

Source: DSWD Region V Bicol

Leave a Reply