Bilang pagkilala sa mahalagang papel ng mga kababaihan sa sektor ng pangisdaan, sa pangunguna ng Pamahalaang Bayan ng Rapu-Rapu, katuwang ang BFAR V– Regional Fisheries Training and Fisherfolk Coordination Division, isinagawa ang Pagsasanay sa Fish Smoking noong Hulyo 1-4, 2025.
Idinaos ang pagsasanay sa mga Barangay ng Poblacion at Villahermosa sa bayan ng Rapu-Rapu, lalawigan ng Albay, at dinaluhan ito ng 43 na mga kababaihang miyembro ng Rural Improvement Club (RIC) bilang bahagi ng Skills Training on Livelihood Technology.
Sa loob ng apat na araw na pagsasanay, isinagawa ang mga talakayan hinggil sa iba’t ibang teknolohiya ng post-harvest fish processing, partikular sa fish smoking. Bahagi rin ng aktibidad ang aktwal na pagsasanay kung saan nagkaroon ng pagkakataon ang mga kalahok na maisagawa ang kanilang mga natutunan sa ilalim ng paggabay ng mga teknikal na eksperto mula sa RFTFCD.
Layunin ng inisyatibong ito na bigyang kakayahan ang mga kababaihan sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng praktikal na kasanayang maaaring gamitin upang makapagsimula ng sariling kabuhayan at mababawasan ang pagdepende sa pangingisda.
Isa sa mga kalahok ang nagbahagi ng kanyang pasasalamat, “Dakulang salamat po saindo sa pagturo samuya. Ini po na naukdan mi, dakulang bagay na makakadagdag sa samuyang pagkabuhay asin makakatabang sa samuyang pamilya.” -Emma Mogas, RIC-Poblacion member.
Source: BFAR
