Iriga: 177 Mangingisda sa Sorsogo, Lumahok sa MAED Training at Roll out ng BFAR SAAD Phase II

0
8

SORSOGON – Umabot sa 177 na benepisyaryong mangingisda mula sa limang (5) fisherfolk associations sa lalawigan ng Sorsogon ang matagumpay na nakilahok sa serye ng Marketing Assistance and Enterprise Development (MAED) Training and Rollout na isinagawa ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources – Special Area for Agricultural Development (BFAR-SAAD) Program Phase II noong Hulyo 1-17, 2026.

Layunin ng pagsasanay na palakasin ang kakayahan ng mga benepisyaryo sa larangan ng entrepreneurship, marketing, at enterprise development upang higit nilang mapalago ang kanilang mga kabuhayan at maging handa sa pagtatatag ng matatag at napapanatiling community-based fisheries enterprises.

Isinagawa ang serye ng pagsasanay sa iba’t ibang bayan ng Sorsogon: Bulusan noong Hulyo 1–3 sa CFLC, Bulusan; Sta. Magdalena noong Hulyo 7–8 sa LGU Function Hall; Irosin noong Hulyo 9–10 sa Carriedo Old Barangay Hall; Barcelona noong Hulyo 14–15 sa LGU Gymnasium; at Castilla noong Hulyo 16–17 sa Barangay Hall, 2nd Floor, Poblacion, Castilla.

Sa unang araw ng bawat pagsasanay, tinalakay ang mga paksang Entrepreneurial Mindsetting, Online Business Name Registration, 4Ps of Marketing, at Customer Relationship Management upang mabigyan ang mga kalahok ng sapat na kaalaman sa pagtatatag at pagpapalago ng kanilang mga negosyo at pagpapalawak ng kanilang merkado.

Naging mga resource speakers sa nasabing sesyon sina Jesilyn Ete, Business Counselor ng Bulusan Negosyo Center; Josh Patrick G. Carillo, Trade and Industry Development Specialist (TIDS), DTI-Sorsogon; Carmela B. Cuya, Trade and Industry Development Specialist (TIDS), DTI-Sorsogon; at Jella Mae Estareja, Business Counselor ng Negosyo Center-Castilla.

Samantala, ang mga paksang Effective Selling and Negotiation Skills – Fisheries Approach at Problem Solving and Decision Making ay tinalakay ng mga personnel ng BFAR-SAAD Program Phase II na sina Fhaisal L. Reyes, Area Coordinator ng Camarines Sur; John Kenneth Raborar, MAED Officer; at Camille Barbacina, Area Coordinator ng Sorsogon.

Bilang bahagi rin ng aktibidad, isinagawa ang MAED Rollout sa Bulusan na pinangunahan ni Vicente Dacuya Jr., SAAD IT Officer. Sa rollout, ipinaliwanag ang layunin ng MAED component at ang mga estratehiya sa pagpapatupad nito upang higit na mapalakas ang marketing, enterprise development, at organisasyonal na kakayahan ng mga fisherfolk associations.

Sa pamamagitan ng serye ng MAED Training at Rollout, inaasahang mas mapapalawak ang kaalaman ng mga benepisyaryo sa pagnenegosyo at pamamahala ng kanilang mga asosasyon, na magbubukas ng mas maraming oportunidad upang mapataas ang kita at matiyak ang pangmatagalang tagumpay ng kanilang mga livelihood projects.

Patuloy na isinusulong ng BFAR-SAAD Program Phase II ang pagbibigay ng komprehensibong suporta sa mga fisherfolk associations sa pamamagitan ng capacity-building interventions na hindi lamang nakatuon sa produksyon kundi maging sa marketing, enterprise development, at paglikha ng mas matatag at masiglang kabuhayan para sa mga pamayanang pangisdaan.

Source: BFAR Bicol

Leave a Reply