Iriga: 105 Mangingisda sa Catanduanes, Lumahok sa MAED Training ng BFAR SAAD Phase II

0
1

Bilang bahagi ng patuloy na pagpapatupad ng Market Assistance and Enterprise Development (MAED) Component sa ilalim ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) – Special Area for Agricultural Development (SAAD) Program Phase II, matagumpay na nagsagawa ng capability-building training para sa apat na samahan ng mangingisda sa lalawigan ng Catanduanes. Layunin ng aktibidad na mapalawak ang kaalaman at kakayahan ng mga benepisyaryo sa larangan ng pagnenegosyo, pamamahala ng samahan, at pagpapaunlad ng kanilang mga kabuhayan.

Kabilang sa mga samahang lumahok ang Mabini Fisherman Association (MFA), na nagsagawa ng pagsasanay noong Mayo 19–20, 2026 sa Caramoran, Catanduanes na dinaluhan ng 23 miyembro; ang Progreso Fisherfolk Association (PFA), na nagsagawa ng pagsasanay noong Mayo 21–22, 2026 sa San Miguel, Catanduanes na nilahukan ng 29 na miyembro; ang Biong Aqua Marine Fisherfolk Association (BAMFA), na nagsagawa ng pagsasanay noong Mayo 26–27, 2026 sa Gigmoto, Catanduanes na may 27 kalahok; at ang Maculiw Fisherfolk Association (MFA), na nagsagawa naman ng pagsasanay noong Mayo 28–29, 2026 sa Panganiban, Catanduanes na nilahukan ng 26 na miyembro. Sa kabuuan, umabot sa 105 mangingisda ang nakinabang sa serye ng mga pagsasanay.

Sa unang araw ng pagsasanay, tinalakay ni John Kenneth Raborar, MAED Officer, ang paksang “Effective Selling and Negotiation Skills for MSMEs,” kung saan ibinahagi niya ang mga estratehiya sa epektibong pagbebenta, pakikipagnegosasyon, at pagbuo ng tiwala sa mga mamimili. Sinundan ito ng talakayan ni Lisley Balgos tungkol sa “Problem Solving and Decision-Making Techniques,” na nagbigay ng mga praktikal na pamamaraan sa pagresolba ng mga suliranin at paggawa ng mga mahahalagang desisyon para sa pagpapatakbo ng samahan at negosyo.

Samantala, sa ikalawang araw ng pagsasanay, tinalakay nina Franklin Villena, SAAD Area Coordinator ng Catanduanes, at Rolando P. Ajero Jr., ang paksang “Customer Relationship Management.” Binigyang-diin nila ang kahalagahan ng maayos na pakikitungo sa mga mamimili, pagpapanatili ng kanilang tiwala at katapatan, at paglinang ng pangmatagalang ugnayan upang matiyak ang patuloy na paglago at tagumpay ng mga negosyo ng samahan.

Naging mas makabuluhan at interaktibo ang pagsasanay sa pamamagitan ng mga group activities, role-playing exercises, at talakayang nagbigay-daan sa mga kalahok na maisabuhay at maisagawa ang kanilang mga natutunan sa mga sitwasyong may kaugnayan sa marketing, negosasyon, customer handling, at pamamahala ng negosyo.

Sa pamamagitan ng mga ganitong inisyatibo, patuloy na pinapalakas ng BFAR-SAAD Phase II ang kakayahan ng mga samahan ng mangingisda sa Catanduanes upang maging mas handa, produktibo, at matagumpay sa pagpapatakbo ng kanilang mga proyektong pangkabuhayan, tungo sa mas matatag na kabuhayan at mas maunlad na pamayanan. Source: BFAR Bicol

Leave a Reply