Ilang paglabag sa panuntunan ng LTFRB hinggil sa fare increase naitala

0
56

Ilang jeepney driver na umano ang naniningil ng sampung pisong pasahe sa kabila ng kawalan ng fare matrix na nakapaskil sa kanilang mga sasakyan.

Bagaman may mga pasaherong nag-reklamo, hindi na sila nakipag-argumento sa driver upang hindi na maabala ang kanilang biyahe.

Una nang ipinatupad simula noong Biyernes, Nobyembre 2 ang dagdag pisong pasahe sa jeep o P10 mula sa P9, P11 sa ordinary bus at P13 sa air-conditioned bus sa Metro Manila, Regions 3 at 4.

Gayunman, nilinaw ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board na epektibo lamang ang fare increase kung mayroong fare matrix na ilalabas naman bukas.

Ayon sa LTFRB, pagmumultahin ng P5,000 hanggang P15,000 at kanselahin ang prangkisa ng mga driver na naniningil ng bagong pasahe subalit walang hawak na bagong fare-matrix.