Balik na sa ilegal na aktibidad ang ilang preso na napalaya sa bisa ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) law.
Ito mismo ang inihayag ni PNP Chief General Oscar Albayalde matapos mapalaya ang mahigit 1,000 inmates sa ilalim ng naturang batas.
Ayon kay Albayalde, batay sa kaniyang natatanggap na impormasyon bumalik na sakanilang dating gawi ang ilang napalaya na bilanggo lalo na iyong mga sangkot sa illegal drugs.
Dahil dito, sinabi ni Albayalde na pinakikilos niya na ang tracker teams ng PNP sa lahat ng rehiyon upang tutukan ang mga napalayang convicted criminals.
Aniya, sakaling masangkot muli sa anumang krimen ay maari muling arestuhin ang mga ito at magsagawa ng case build up laban sa mga napalayang kriminal.
Samantala, aminado naman si Albayalde na wala silang hawak na listahan ng mga napalayang kriminal.