Ex-Pres. Aquino binalikan si Lacson hinggil sa kulang na budget sa Yolanda rehabilitation  

0
49

Binalikan ng dating Pangulong Noynoy Aquino si Senador Panfilo Lacson sa isyu ng kulang na budget para sa rehabilitasyon ng mga lugar na binayo ng bagyong Yolanda nuong 2013.

Una nang inihayag ni Lacson na itinalagang Presidential Assistant for Rehabilitation and Recovery na bagama’t inaprubahan ng dating Pangulong Aquino ang isinumite niyang report napakaliit na budget ang inilaan para tulungan ang mga biktima ng bagyo sa mga apektadong lugar.

Sinabi ng dating Pangulong Aquino na dapat marepaso ang records dahil ang papel ni Lacson ay makipag coordinate at pangunahan ang rehabilitation at reconstruction ng mga sinalanta ng bagyong Yolanda.

Wala aniyang pagkakataon na nabanggit sa kaniya ni Lacson na may problema sa budget hanggang ngayong nagsasalita na ito sa nasabing usapin.

Ayon pa kay Aquino, batid niyang kakaunti lamang ang tulong sa mga unang araw ng trahedya subalit tanggap niyang mawawala ang suporta kayat kailangan nang kumilos ng sarili ng gobyerno para ikasa ang rehabilitasyon at tulong sa mga biktima ng bagyo.

Ngayong araw na ito ay ginugunita ang ika-limang anibersaryo ng bagyong Yolanda na ikinasawi ng mahigit 6,000 katao at nagdulot ng matinding pinsala sa Eastern Visayas.